pinoykami

MAIKLING KUWENTO

 

Ano ang maikling kuwento?

 

Ang maikling kuwento ay isang anyo ng panitikan na may layuning magsalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan. Nag-iiwan ito ng isang kakintalan sa isip ng mga mambabasa, bungang-isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay.

 

Ayon kay Edgar Allan Poe, ang tinaguriang Ama ng Maikling Kuwento ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni at bungang-isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay.

 

Isang maigsing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan.

 

Ito ay isang akdang pampanititkan sa tuluyan na sa pamamagitan ng mga pangungusap at talata'y binubuo ng may-akda upang sa kanyang kapangyarihan at kakayahan bilang isang alagad ng panitikan, mailahad niya ang isang pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan, makapagkintal ng isang bisa sa puso at diwa ng mga mambabasa.

 

Ito ay likha ng bungang-isip na hango sa isang bahagi ng buhay na tunay na nangyari o maaaring mangyari.

 

Sapagkat ito'y may makitid na larangan, mabilis na galaw kaya't tuloy-tuloy ang pagsasalaysay, matipid at payak ang mga pangungusap, kakaunti ang mga tauhan na lagi nang may pangunahing tauhan, payak o karaniwan ang paksa, maikli ang panahong sinasakop. Ang maikling kuwento ay madaling maunawaan, kaya't masasabing angkop sa lahat, lalo na sa mga taong mahilig magbasa ngunit kapos sa panahon.

 

Ito ay nababasa sa isang tagpuan, nakapupukaw ng damdamin, at mabisang nakapagkikintal ng diwa o damdaming may kaisahan.

 

Tinatalakay ang natatangi at mahahalagang pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan.

 

May kapayakan at kakauntian ng mga tauhan.

 

Nagpapakita ng isang makabuluhang bahagi ng buhay ng tao.

 

Ito ay isang maikling salaysay na tumalakay sa isang madulang bahagi ng buhay. Sa pamamagitan ng masining na pagsasama-sama ng mga pahayag at pangyayari, nailalarawan ang pagkakasunod-sunod ng mga ito, pati na ang kilos, pagtutunggali o galaw.

 

  • Tema

 

Mayroon pagkakaiba ang tema sa mensahe ng isang maikling kuwento. Ang TEMA ang pangkalahatang kaisipang nais palutangin ng may-akda sa isang maikling kuwento. At ang kaisipang ito ang binibigyan ng layang maikintal sa isipan ng mga mambabasa. Maaaring maging tema ang mga sumusunod: palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan, obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao, paniniwala sa isang katotohanan o pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong daigdig sa lahat ng panahon, o ang dahilan ng pagkakasulat ng may-akda. Ang MENSAHE naman ang tuwirang pangangaral o pagsesermon ng manunulat sa mambabasa.